Planong bumuo ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng isang technical working group na tututok sa pagbabago ng polisiya upang mapigilan ang mga insidente ng oil spill.
Ito ang ibinunyag ni DENR Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga sa pakikipagpulong nito kasama ang local shipowners kung saan tinalakay ang mga usapin may kinalaman para mapigilan at matugunan ang oil spill incidents.
Ginawa ang naturang pagpupulong ilang buwan matapos ang insidente ng oil spill na nangyari sa Oriental Mindoro sangkot ang lumubog na motor tanker na MT Princess Empress.
Saad ng opisyal na kailangang mapigilan ang panganib na maaaring idulot ng naturang mga insidente sa pamamagitan ng polisiya, mga proseso at sa technical capacities ng mga indibidwal na siya mismong nagpapatupad ng nasabing mga batas.
Ayon sa kalihim ang shipping operators ang mismong lumapit para makahanap ng mga paraan upang matulungan ang ahensiya na mapigilan at makatugon sa mga sakuna.
Kabilang sa mga tinalakay sa pagpupulong ang classification ng mga barko at bilang ng permits na inisyu para sa partikular na kadahilanan.