Bagamat hindi na uusad sa FIBA 2023 Finals, tiniyak ni Team USA Head Coach Steve Kerr na buo pa rin ang morale ng buong team.
Ayon kay Kerr, ipinagmamalaki niya ang nabuong team at sa kung anuman ang kanilang nagawa sa kabuuan ng kampanya.
Bahagi aniya ng trabaho niya bilang coach ng team USA ay ang ipasa ang baton sa susunod na coach at mga players ng team.
Naniniwala rin ang batikang coach na nagawa ng buong team na maipakita sa buong mundo ang mataas na lebel ng basketball skill ng US sa kabuuan ng FIBA.
Pagbabahagi pa ng Golden State Warriors Legend, naging masipag ang lahat ng mga players ng buong team sa lahat ng practice at nakita niya kung paano nagpakahirap ang mga ito sa bawat larong pinagdaanan.
Maging ang samahan ng bawat isa ay hindi rin maitatanggi, lalo na at committed ang lahat na maibulsa sana ang World Cup trohpy.
Bagaman hindi pinalad, kinilala ni Kerr ang aniya’y kakayahan ng kanyang team na makapag-uwi ng kampeonato mula sa isang international basketball competition.
Bukas ay makakaharap ng Team USA ang Team Canada para sa classification Game. Sa ilalim nito, sinumang mananalo ay ang magiging No3 sa World ranking habang pang-apat naman ang matatalo sa kanila.
Anuman ang kalabasan, tiyak na ang pagbaba ng USA sa World Ranking ng basketball, habang aakyat naman ang Canada mula No.15 patungo sa top-5.