Pinaghihinay-hinay ng grupo ng mga kaguruan ang Department of Education ukol sa nauna nitong inilabas na statement na umano’y recruitment na nangyayari sa loob ng ilang mga paaralan sa Metro Manila.
Ayon kay Teachers’ Dignity Coalition (TDC) National Chairperson Benjo Basas, naiintindihan nila ang naging concern ng DepEd, nang ilabas ang naturang statement.
Bayonpaman, nangangamba si Basas na dahil dito ay maaaring mapag-suspetsahan ang lahat ng mga high school sa NCR bilang mga potensyal na NPA recruitment schools.
Sinabi rin ng grupo na sa kasalukuyan ay wala pa itong namomonitor na ganitong uri ng aktibidad, sa kabila ng tuloy-tuloy nilang koordinasyon sa mga kaguruan.
Hinimok rin ni Basas ang DepEd na linawin ang statement nito ukol sa NPA recruitment, lalo na kung nagawa ng mga estudyante na umanib sa grupong NPA, nagtungo sa mga kabundukan, at naging mga combatants.
Kung sakaling nangyayari ang ganitong recruitment, naniniwala si Basas na hindi ito papayagan ng mga kaguruan.
Nauna nang sinabi ng Department of Education sa pamamagitan ni DepEd Usec at Spokesperson Michael Poa, na may 16 na eskwelahan sa NCR ang umanoy nauugnay sa mga recruitment activities ng NPA.