Pinangunahan ni ACT Teachers Party-list Representative at House Deputy Minority Leader France Castro ang paggunita sa ika-125 na komemorasyon sa Unang Putok sa Panulukan ng Silencio at Sociego, sa Sta. Mesa, na hudyat sa pagsisimula ng digmaan sa pagitan ng mga Pilipino at Amerikano nuong Pebrero 4, 1899.
Binigyang diin ni Rep. Castro ang kahalagahan ng patuloy na paglaban para sa tunay na kalayaan at kasarinlan ng bansa.
“Hindi ba’t dapat tunggaliin, sa halip na gunitain, ang dayuhang pwersa na tinuligsa maging ng sarili nitong mamamayan bilang isang “vulgar, commonplace empire, controlling subject races and vassal states, in which one class must forever rule and other classes must forever obey?” pahayag ni Castro.
Panawagan naman ni Castro na labanan ang anumang pagtatangka na lalabag sa soberenya ng Pilipinas partikular ang ginagawa ngayon ng bansang Tsina sa bahagi ng West Philippine Sea.
Binigyang-diin ni Castro na hindi rin dapat palampasin ang isinusulong na Charte Change.
“Anumang moda, sa so-called “people’s initiative” o “conass” o “concon” man, hindi dapat palampasin ang ChaCha bilang isang mababaw na usapin,” saad ng kinatawan.
Pagpapaalala ni Rep. Castro na hindi dapat kalimutan ang kasaysayan, alang-alang sa mga Pilipinong nag-buwis ng buhay at nag-alay ng kabayanihan.
“Kung hindi natin ito babantayan, para na rin natin kinalimutan ang mga nabuwal sa dilim ng Digmaang Pilipino-Amerikano,” pagtatapos ni Rep. Castro