Bahagyang bumilis ang galaw ni Tropical Depression Wilma habang nagpapatuloy ang pagtawid nito sa Visayas, kung saan huling namataan alas-4:00 ng umaga sa paligid ng Calbayog City, Samar.
Taglay nito ang 45 km/h na lakas ng hangin malapit sa gitna at bugso na hanggang 75 km/h, habang kumikilos pakanluran-hilagang kanluran sa bilis na 15 km/h.
Ayon sa state weather bureau, nanatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa ilang bahagi ng Luzon at Visayas. Kabilang dito ang mga sumusunod:
Sa Luzon: Sorsogon, Masbate (kasama ang Ticao at Burias), Romblon, ilang bahagi ng Oriental at Occidental Mindoro, at hilagang bahagi ng Palawan kabilang ang Cuyo at Calamian Islands.
Sa Visayas: Northern Samar, Northern at Central Eastern Samar, malaking bahagi ng Samar, Biliran, hilagang bahagi ng Leyte, hilagang Cebu kabilang ang Bantayan Islands, hilagang Negros Occidental, malaking bahagi ng Iloilo, Capiz, Aklan, at central at northern Antique.
Nananatili ang Gale Warning sa hilaga at silangang baybayin ng Luzon.
Maging ang mga baybayin ng Bicol, Eastern Visayas, at ilang bahagi ng Ilocos, Palawan, at Mindoro ay makakaranas ng rough hanggang moderate seas, kaya pinapayuhan ang mga maliliit na bangka na huwag munang pumalaot.
Ayon sa ahensya, tatahakin ni Wilma ang direksyong west-southwest, tatawid pa ng Southern Luzon at Visayas ngayong araw, at posibleng lumabas sa Sulu Sea bago dumaan sa Northern Palawan bukas, Disyembre 8.










