-- Advertisements --

Hinimok ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) ang Kongreso sa kanyang ika-limang State of the Nation Address (SONA) na palawakin ang income tax exemption para sa mga manggagawang kumikita ng hanggang ₱350,000 kada taon.

Layunin nitong mabawasan ang pasanin ng middle class at matamasa ang kanilang pinaghirapang sahod.

Ipinahiwatig din ng pangulo ang planong pagtapyas ng buwis sa kita ng iba pang wage earners, bagamat hindi na nagbigay ng karagdagan pang detalye.

Hinikayat din ng punong ehekutibo ang Kongreso na i-exempt ang maliliit na negosyo mula sa corporate income tax at palawakin ang amnesty para sa mga hindi nababayarang buwis kabilang ang income, estate, donor’s at value-added tax.

Sa kasalukuyan, exempted sa buwis ang mga manggagawang may taunang kita na mababa sa P250,000 habang 20% naman ang ipinapataw na buwis kapag mas mataas sa naturang halaga.

Subalit sa ngayon, hindi kabilang ang pag-amyeda ng National Internal Revenue Code, partikular na ang pagtaas ng income tax exemption ceiling, sa 52 priority bills ng Marcos administration.