Pumalo ng P1.82 trillion ang nakolektang buwis ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC) mula Enero hanggang Setyembre 30, ayon kay Finance Sec. Carlos Dominguez III.
Sa briefing sa Malacanang kagabi, sinabi ni Dominguez na ang kabuuang tax collection na ito ay lagpas sa kanilang estimate na P1.68 trillion, pero mababa ng 12 percent year-on-year.
Nauna nang sinabi ni Dominguez na target ng Kamara na makalikom ng P1.7 trillion para sa laban kontra COVID-19 at tugunan ang epekto nito sa ekonomiya ng bansa.
Sinabi rin ng finance chief na 70 percent ng utang ng pamahalaan ay nagmula sa local markets habang ang nalalabing 30 percent naman ay mula sa abroad.
Nabatid na aabot na sa record-high P9.05 trillion noong June ang utang ng Pilipinas dahil sa COVID-19 pandemic.
Pero sinabi ni Dominguez na nasa magandang financial position naman ang Pilipinas.