Kumpiyansa si Department of Agriculture (DA) Usec. Ariel Cayanan na malabong mangyari ang pinangangambahang “Tawilis extinction.”
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Usec. Cayanan na nagkakaroon ng adoption ang kalikasan sa anumang kaganapan.
Ayon kay Usec. Cayanan, halimbawa nito ang nangyaring pagsabog ng Taal noong ika-17 siglo kung saan mula sa dating saline/salt water ay naging fresh water ito kaya lumabas ang mga bagong species ng isda.
Ipinaliwanag ni Usec. Cayanan na dati Maliputo lang ang nakikita sa Taal pero noong naging fresh water lake na ito ay may Talakitok na, gayundin ang dating salty sardines ay tinatawag na ngayong Tawilis.
Naniniwala si Usec. Cayanan na ang pagputok ng Taal Volcano ay magbibigay ng bagong kaanyuhan sa mga species ng isda na nakikita sa Taal Lake.
Kung maaalala, ang Tawilis ay ang katangi-tanging freshwater sardine sa buong mundo na matatagpuan lamang sa Taal Lake.