BACOLOD CITY – Kinansela ang G! Festival sa Faroe Islands ngayong taon kahit idineklara nang COVID free na ang buong isla.

Ayong kay Star FM Bacolod international correspondent Catherine Steinberg, inanunsiyo ng Tourist Information Center ng Faroe Islands nitong May 30 na hindi na matutuloy ang G! Festival matapos ang isinagawang press meeting ng gobyerno nito.

Isa sa mga tampok sanang artists ay ang bandang Saving Grace na kinabibilangan ng dating lead singer at lyricist ng rock band na Led Zeppelin na si Robert Plant at ni Suzi Dian.

Ayon kay Steinberg, pinaplano ng gobyerno ng Faroe Islands na magpasa ng reimbursement bill para sa festival at kapag ito ay naaprubahan, magbibigay sila ng update tungkol sa posibleng ticket refunds.

Ang G! Festival ay isang annual summer festival na dinarayo sa Faroe Islands ng maraming turista at iba’t ibang sikat na artists at musicians ang iniimbitahan para magtanghal dito.