-- Advertisements --

Arestado ngayon ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang tatlo katao matapos lumabag ang mga ito sa ipinatutupad na gun ban sa Metro Manila.

Sa isang statement, kinilala ni Maj, Joselito Quila ng Regional Highway Patrol Unit-National Capital Region (RHPU-NCR) ang tatlong suspek na sina Kenneth Suazo, 35; Edison Tauro, 31; at Rocky Claud, 37.

Naaresto ang tatlo sa isang anti-carnapping operation sa kahabaan ng EDSA-Quezon Avenue kung saan hinarang ng mga operatiba ang kanilang sinasakyang Suzuki Ciaz dahil sa improvised plate number na kanilang gamit.

Sa ulat, narekober ng mga awtoridad ang tatlong pistol mula sa mga suspek nang magsagawa ng search-and-frisk sa mga ito matapos na mapag-alaman na lumabag ang mga ito sa illegal transfer of plate, at mapansing kakaiba ang kanilang kinikilos.

Sa kasalukuyan ay nasa RHPU-NCR detention facility na ang tatlong suspek sa Camp Crame sa Quezon City bago sila i-turnover sa korte.

Samantala, una rito ay sinabi na ni Maj. Gen. Valeriano de Leon, PNP director for operations, na magtatagal ang gun ban hanggang July 27 kasabay ng activation ng Task Force Manila Shield.

Magugunita na ipinatupad muli ang gunban sa Metro Manila bilang bahagi ng security measures na ipinatutupad ng mga awtoridad para sa gaganaping kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr sa July, 25, 2022.