BACOLOD CITY – Nag-uumapaw ang kasiyahan ng isang senior citizen na tatay sa Murcia, Negros Occidental dahil makakapagpahinga na ito sa halos apat na dekada na pagpasan sa kanyang anak na hindi nakakalakad.
Si Wilter Labordo, 38-anyos, residente ng Barangay Santa Rosa, Murcia ay isa sa mga nakatanggap ng libreng wheelchair kasabay ng Bombo Medico 2019.
Ayon sa ama ni Wilter na si Wilson, pitong buwan pa lamang ang kanyang panganay nang na-diagnose itong may polio na nakaapekto sa kanyang dalawang kamay at mga binti.
Dahil hindi makakasulat si Wilter, hindi ito nakapag-aral at iniiwan lang ng kanyang mga magulang sa kanilang bahay sa tuwing magtrabaho ang mga ito sa plantasyon ng tubo.
Aminado ang ama na masyadong mabigat ang kanyang anak ngunit hindi raw niya ito alintana para lamang sa kanyang anak.
Nang narinig ang panawagan ukol sa libreng wheelchair na ipamimigay kasabay ng Bombo Medico 2019, napalundag umano sa tuwa si Wilson dahil maiibsan na ang kanyang hirap.
Excited naman si Wilter na umupo sa kanyang bagong wheelchair dahil ito ang pinakaunang pagkakataon na nagkaroon siya nito.
Kasabay nito, nagpasalamat si Wilter sa kanyang ama sa pagtiis ng hirap sa loob ng 38 taon dahil sa pagpasan sa kanya.
Labis di n ang kanyang pasasalamat sa donor at sa Bombo Radyo na nagbigay ng kanyang wheelchair.