Paiigtingin pa ng Commission on Elections (Comelec) ang Task Force Kontra Bigay nito laban sa talamak na vote buying tuwing panahon ng halalan.
Ipinahayag ito ng komisyon sa gitna ng pangamba ng ilan hinggil sa pagiging tapat at malinis na halalan partikular na sa nalalapit na pagsasagawa ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa bansa.
Ayon kay Commission on Elections spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, tuluy-tuloy aniya ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police ukol dito na talaga naman aniyang naging napakabilis ng pag-aksyon noon pagdating sa vote buying.
Bagay na napatunayan aniya ng Komisyon sa naging halalan noong nakalipas na taon.
Aniya, sa ngayon ay binabalangkas na aniya ng Task Force Kontra Bigay sa pamumuno ni Comelec Commissioner Ernesto Ferdinand Maceda ang mga bagong panuntunang ipapatupad nito laban sa vote buying kung saan inaasahang sa mga susunod na buwan ay ilalabas nito kung saan magiging katuwang ang Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines sa pagpapatupad ng batas kontra vote buying.
Samantala, kaugnay nito ay tiniyak naman ni laudiangco na sisiguraduhin ng Comelec na patuloy ang kanilang pagpapanagot at pagpupursigi na makasuhan ang sinumang mapapatunayang dawit sa vote buying na talagang ipinagbabawal sa ilalim ng umiiral na batas sa bansa.