Nagdagdag na ng mga tauhan at kasalukuyang nakaalerto ang Task Force Davao matapos ang nangyaring pamomomba sa isang bus sa Tacurong City kung saan ikinamatay ito ng isang biktima at ikinasugat ng labing-isang pasahero matapos sumabog ang isang improvise explosive device o IED habang nadiskubre naman ang dalawang bomba na hindi sumabog.
Sa panayam ng Bombo Radyo Davao kay Task Force Davao Commander Lt. Col. Darren Comia, inihayag niya na mas pinaigting ngayon ang seguridad sa Davao Region kahit pa man na hindi nangyari ang naturang insidente dito sa rehiyon.
Aniya, dinagdagan pa ang mga personahe na nagbabantay sa bawat border control upang hindi na humaba pa ang pila ng mga papasok at lalabas sa rehiyon lalo na’t papalapit na ang yuletide season.
Ilan sa mga ipinatutupad na mga protocols ngayon ng Task Force Davao ay ang pagdeploy ng mga sundalo upang sumakay sa mga bus o Bus Boarding Operations; visibility patrol, at foot patrol.
Samantala, dati nang ipinatutupad ng Davao City Police Office ang hindi pagpapahintulot sa lahat ng mga bus drivers na magpasakay ng mga pasahero o ang tinatawag na no pick-up policy sa lahat ng mga bus stops upang masuri ang lahat ng mga bagahe ng bawat pasahero.
Habang ipinapanawagan ngayon ni Comia sa mga mamamayan ng Davao Region na makipagtulungan at boluntaryong sumunod sa lahat ng gawaing panseguridad upang maiwasan ang mga di inaasahang problema.