Nalagpasan ng Bureau of Customs (BOC) ang target collection nito sa nakalipas na buwan ng Setyembre ng hanggang 3.64%.
Batay sa inilabas na statement ng BOC, umabot sa P79.225 billion ang koleksyon nito noong Setyembre. Mas malaki ito ng P2.7 billion kumpara sa target na P76.44billion.
Nalagpasan din ng BOC ang target collection nito sa unang siyam na buwan ng taon, o mula Enero hanggang Setyembre.
Nakapagtala kasi ang ahensiya ng P660.716 billion na koleksyon, habang ang target collection ay hanggang P644.185 billion lamang.
Ito ay katumbas ng 2.57% na pagtaas o kabuuang P16.531 billion.
Ang pangunahing dahilan dito, ayon sa BOC, ay ang maayos na customs operation, mas aggresibong revenue collection, at iba pang istratehiya.
Samantala, mula Enero hanggang Setyembre, nakapagsagawa rin ang naturang ahensiya ng 730 anti-smuggling operations na nagresulta sa pagkakasabat ng hanggang sa P35.963 billion na halaga ng mga produkto.