Hiniling ng Taiwan na gawin na rin ng pamahalaan ng Pilipinas ang una nitong ipinatupad na no-visa entry para sa mga Pinoy overseas workers.
Ayon kay Taiwan Representative in the Philippines Wallace Chow, makakatulong kung gagawin na rin ng pamahalaan ng bansa ang pagpayag na pumasok sa Pilipinas sa mga Taiwanese kahit walang hawak na visa.
Malaki kasi aniya ang potensyal ng Pilipinas bilang tourist destination para sa mga Taiwanese, lalo na at magkalapit lamang ang mga ito.
Sa kada linggo aniya, mayroong 130 flights sa pagitan ng Pilipinas at Taiwan at maaaring samantalahin ito ng mas maraming Taiwanese kung magagawa ng pamahalaan ng Pilipinas ang no-visa treatment para sa kanila.
Maalalang ang no-visa treatment ng Taiwan para sa mga Pilipino ay una nang pinalawig ng pamahlaaan ng Taiwan hanggang sa Hulyo-31, 2024.
Ayon kay Chow, inaasahan nilang aabot ng hanggang 320,000 Filipinos ang bibisita sa Taiwan sa kabuuan ng 2023.
Batay sa hawak na datus ng naturang estado, umaabot na sa 215,600 Filipinos ang bumisita sa Taiwan simula Enero hanggang Agosto, 2023.
Samantala ang mga Taiwanese ang pang-limang pinakamalaking bilang ng mga turistang bumisita sa Pilipinas kung saan umaabot sa 330,000 taiwanese ang naitala noong 2019.