CENTRAL MINDANAO – Ginulantang nang pagsabog ang bahay ng isang pulis sa probinsiya ng Sultan Kudarat.

Ayon sa ulat ng Sultan Kudarat Police Provincial Office, dalawang hindi kilalang suspek ang naghagis ng granada sa tahanan ni Police Staff Sergeant Nilo Catanjay sa Purok Linlingan Brgy. Poblacion Lambayong Sultan Kudarat.

Mabilis namang tumakas ang mga salarin lulan sa isang motorsiklo patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Lambayong.

Wala namang nasugatan sa pagsabog ngunit nagdulot ito ng takot sa mga sibilyan at pamilya ni Catanjay.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa bayan ng Lambayong sa panghahagis ng granada sa tahanan ni Catanjay.