-- Advertisements --

Sinimulan na ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig ang house-to-house distribution ng Go-Bags sa mga komunidad, lalo na sa mga lugar na itinuturing na high-risk tuwing may lindol o iba pang sakuna.

Ito’y matapos makumpleto ang pamamahagi ng Emergency Go-Bags sa lahat ng 52 pampublikong paaralan sa siyudad.

Pinangunahan mismo ni Mayor Lani Cayetano ang pamamahagi sa Centennial Village, Barangay Western Bicutan noong Lunes, Oktubre 13, kasama si Vice Mayor Arvin Ian Alit, mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod, mga opisyal ng barangay, at ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO).

Umabot sa 1,248 Emergency Go-Bags ang naipamahagi sa 13 gusali sa Centennial Village. 

Ang bawat Go-Bag ay may lamang mga kagamitang makatutulong sa mabilis at ligtas na pagresponde ng mga pamilya sa oras ng sakuna.

Nilalaman ng bawat Go-Bag ay ang mga sumusunod: Gabay at listahan ng emergency hotlines; First Aid Kit (may bandages, alcohol, hydrogen peroxide, gauze, face masks, atbp.); Flashlight para sa brownout; Whistle na magagamit sa paghingi ng tulong.

Ayon kay Taguig City Mayor Lani Cayetano, “Hindi natin alam kung kailan tatama ang kalamidad. Ang mahalaga, handa tayo. Ang bawat bahay, bawat pamilyang Taguigeño, ay dapat may Go-Bag na puwedeng mahugot anumang oras para sa kaligtasan.”

Paliwanag pa ng Alkalde, ang mga unang prayoridad ng distribusyon ay ang mga medium to high-rise residential buildings na mas mataas ang panganib kapag may lindol.

Bukod sa mga paaralan at barangay, tinatapos na rin ng lungsod ang pamamahagi ng Go-Bags sa lahat ng pasilidad ng lungsod at 156 child development centers.

Ang mga lugar pinagkakalooban ng Go-Bags:Tenement, Brgy. Western Bicutan; Bagong Lipunan Condominium, Brgy. Western Bicutan; Maharlika Housing, Brgy. Maharlika; MRB Condominium, Brgy. Ususan; at Pamayanang Diego Silang (BCDA), Brgy. Ususan.

Sinabi ni Mayor Lani na simple lamang ang layunin ng pamahalaang lokal at ito ay dapat walang household ang maiiwan, ang kahandaan ay nagsisimula sa bawat tahanan kapag may sakuna.

Lubos naman ang pasasalamat ng mga residente na beneficiaries ng Emergency Go-Bag. 

Ipinaalala rin ni Mayor Lani sa mga residente na manatiling alerto at may sapat na impormasyon, sa pamamagitan ng pagsubaybay sa opisyal na social media pages ng lungsod at sa kanilang mga barangay.

Bagama’t patuloy ang panalangin ng lungsod para sa kaligtasan mula sa sakuna, tiniyak ng alkalde na ang Taguig ay naghahanda, hindi lamang umaasa.