-- Advertisements --

Pansamantalang ipinasara ng City of Taguig ang Makati Park and Garden dahil sa kawalan umano ng kaukulang permits mula sa lokal na gobyerno ng Taguig. 

Ayon sa pahayag ng Taguig City Hall, may kapangyarihan silang gawin ito base na rin sa Local Government Code. 

Mayroon din daw silang local ordinances na nagre-regulate sa anumang negosyo at aktibidad na sakop ng Taguig sa pamamagitan ng pagbibigay ng Mayor’s permit kapag ito ay nakapag-sumite ng mga dokumento at kaukulang bayad at buwis. 

Sa inilabas naman na pahayag ng City Government of Makati, sinabihan nito ang Taguig na bully at inaangkin daw nito ang hindi sa kanila sa pamamagitan ng pagbabaluktot ng batas at paggamit ng dahas. 

Naniniwala ang Makati na gustong manakot ng Taguig ngunit hindi umano sila magpapasindak at hindi raw nila uurungan ang isang bully. 

Nanawagan na rin ang Lungsod ng Makati sa pambansang ahensiya ng gobyerno na sawayin ang Taguig sa mga ginagawa nito. 

Binigyang-diin ng Makati na pursigido silang gawin ang lahat ng paraan upang mapanatili at maprotektahan ang kanilang ari-arian.