-- Advertisements --

Opisyal nang idineklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Huwebes, Hunyo 4, na pormal nang nagsisimula ang tag-ulan sa bansa.

Ayon sa state weather bureau, batay ito sa kanilang obserbasyon ng paulit-ulit na pag-ulan sa nakalipas na limang araw na kaugnay ng Southwest Monsoon o Habagat, na nakaaapekto sa kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas.

Sinabi ng PAGASA na ang pattern ng pag-ulan ay malinaw na indikasyon ng pagpasok ng rainy season.

“This signifies the onset of the rainy season across the western sections of Luzon and the Visayas,” pahayag ng weather bureau.

Gayunpaman, nagpaalala ang ahensya na posible pa rin ang tinatawag na monsoon breaks o pansamantalang paghina ng ulan na maaaring tumagal ng ilang araw o linggo.

Nagbabala rin ang PAGASA na sa kabila ng tag-ulan, maaari pa ring maranasan ang mas pinalakas na pag-ulan dulot ng Habagat, lalo na sa Luzon at Visayas, dahil sa posibleng epekto ng El Niño.