-- Advertisements --
lrt2

Inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang resolusyon mula sa Light Rail Transit Authority (LRTA) sa dagdag na singil sa pamasahe na P2.29 at 21 cents para sa distance fare.

Subalit paglilinaw ng LTFRB na ang pag-apruba sa naturang resolusyon ay hindi nangangahulugan na ipapatupad na ang dagdag na singil sa pamasahe.

Inaantay pa ang pag-apruba sa resolution mula sa ibang board members kabilang ang Department of Transportation (DOTr), Department of Finance, Department of Budget and Management, National Economic at Development Authority, Department of Public Works and Highways.

Tanging sina LTFRB chief Teofilo Guadiz III, acting LRTA administrator Hernando Cabrera, board members Dimapuno Datu at Patrick Villanueva ang lumagda pa lamang sa naturang panukala na fare hike.

Sa oras na maaprubahan, ang boarding fare ay magiging P13.29, habang ang distance fare ay magtataas ng P1.21 kada kilometro sa LRT-1 at LRT-2.

Sa kasalukuyan, pumapatak ang boarding fare sa P11 at P1 para sa distance fare sa parehong train systems simula pa noong 2015.

Kung matatandaan, una ng tiniyak sa publiko ng Department of Transportation (DOTr) noong nakalipas na taon na hindi nito pagbibigya ang kahilingan ng pagtataas ng pamasahe ng pribadong operator ng tren sa gitna na rin ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.