-- Advertisements --

Iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) na rumesponde ito sa ilang kaso ng kamuntikang pagkalunod noong Biyernes Santo, Abril 3.

Kabilang dito ang isang 22-anyos na lalaki na kamuntikang nalunod sa karagatang sakop ng Barangay Maura sa Aparri, Cagayan; isang 38-anyos na lalaki sa katubigan ng Barangay Centro 1 sa Claveria, Cagayan; at isang 36-anyos na lalaki na nagtangkang lumangoy habang nasa ilalim ng impluwensiya ng alak sa baybayin ng Southern Philippine Agri-Business and Marine and Aquatic School of Technology o SPAMAST sa Davao Occidental.

Nagbigay rin ng agarang tulong ang PCG sa isang turista na nakaranas ng medical emergency habang sakay ng motor banca patungong Sepok Island sa Tingloy, Batangas.

Samantala, minonitor ng PCG ang kabuuang 60,492 outbound passengers o mga paalis, at 49,574 inbound passengers o mga dumarating sa lahat ng pantalan sa buong bansa mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali ngayong Black Saturday.

Dagdag pa ng ahensya, umabot sa 574 sasakyang pandagat at 1,828 motor banca ang kanilang na-inspeksyon sa ilalim ng 16 na PCG Districts.

Patuloy na naka-heightened alert ang lahat ng distrito, istasyon, at sub-stations ng PCG mula pa Marso 28 hanggang Abril 5, 2026 upang matiyak ang kaligtasan at maayos na pagdagsa ng mga pasahero sa mga pantalan ngayong Semana Santa.