DAVAO CITY – Magbibigay ang lokal na pamahalaan ng Davao ng 5,000 food packs sa mga pamilya na apektado ng pagsabog ng Bulkang Taal.
Maliban dito, tatanggap din ang siyudad ng mga donasyon mula sa mga Dabawenyos na maaaring dalhin sa Task Force Davao (TFD).
Ayon kay Task Force Davao Commander Colonel Consolito Yecla, naghahanda na ang kanilang mga tropa ng food packs para sa mga pamilya na temporaryong nananatili sa mga shelters mula nang sumabog ang nasabing bulkan nitong Linggo.
Nananawagan din ang opisyal sa mga gustong mag-donate na pumunta lamang sa headquarters ng Task Force Davao sa Sta. Ana Wharf Compound nitong lungsod.
Target umano ng TFD na mapasok ang mga evacuation centers kahit na posibleng mahihirapan sila sa pagtungo sa Batangas.
Plano nilang pasukin ang mga area ng Sto. Tomas, Tanauan, at Calaca.
Alam umano ni Yecla na mahirap ang kalagayan ng mga apektadong pamilya dahil pareho rin ito sa nararanasan ng Davao region matapos ang sunod-sunod na lindol sa nakaraang taon.