LEGAZPI CITY – Nag-abiso ang Civil Service Commission (CSC) sa mga government employees na maaari nang ma-avail ang limang araw na special emergency leave sa gitna ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay CSC Central Public Assistance and Information Officer Director III Theresa Fernandez, malinaw itong nakapaloob sa Memorandum Circulars 2 at 16 na inilabas noong Pebrero 16 at Oktubre 17, taong 2012.
Subalit kailangan pa rin ang pagsumite ng leave sa head office at kopya ng deklarasyon ng state of calamity sa apektadong lugar.
Pupuwede aniyang mag-apply ang government employee ng emergency leave sa magkakasunod na limang araw o magkakaibang araw. Hiwalay din ito sa mismong leave credits ng mga empleyado.
Inaasahan na sa naturang mga araw, magagamit ang mga ito sa pagsasaayos ng mga bahay, pagka-stranded sa ilang apektadong lugar, pagkakasakit dahil sa kalamidad at pagbabantay sa sino mang kasapi ng apektadong pamilya.