Hinimok ni Sen. Ralph Recto ang gobyerno na bumuo ng Taal Commission na tututok sa mga problemang kinakaharap ng mga biktima ng pagputok ng bulkan sa Batangas.

Ito’y kahit ibinaba na ang alerto mula sa level 4, patungo sa alert level 3 na lamang.

Para kay Recto, hindi nagtatapos ang problema sa evacuation centers dahil ilan sa mga naapektuhan ng eruption ay wala nang bahay na babalikan at ang iba ay wala nang hanap-buhay.

“Mainam na mayroong Taal Commission. But the political reality is that it cannot pass muster without the support of Malacañang. In the meantime, there should be a Cabinet coordinator for Taal, na kukumpas sa iba’t ibang ahensya na ito ang dapat gawin, na ito ang toka mo,” wika ni Recto.

Sa ngayon, kailangan pa rin aniya ng VFA o Volcano Financing Assistance hanggang sa tuluyang makabangon ang mga mamamayan ng mga bayang naapektuhan ng pagsabog ng Taal.

“Doon sa mga nawalan ng bahay at hanapbuhay, ang tanong nila, “Mayroon na bang kahit katiting na VFA – Volcano Financing Assistance – na idadagdag namin sa aming sipag at tiyaga na bumangon muli?,” pahayag pa ni Recto.