Tinapos ng Switzerland ang kanilang 88-taong paghihintay para makapagbulsa ng isang panalo sa knockout stage ng World Cup.
Tinalo ng koponan ang Algeria sa huling match ng Round of 32 sa Vancouver, Canada, 2-0.
Maagang nagpakitang-gilas ang mga Swiss kung saan sa ika-sampung minuto (10’) pa lamang ng laro, agad na nakuha ng Switzerland ang 1-0 lead matapos maipasok ni Breel Embolo ang isang mabilis na short-range shot sa tulong ng assist mula sa kanilang pambato na si Johan Manzambi.
Sinubukan naman ng Algeria na gumanti sa dulo ng first half ngunit mas lalo pa itong nabaon pagkapasok ng second half.
Sinamantala ni Swiss defender Dan Ndoye ang mahinang defense ng Algeria at biglaang ipinasok sa ika-apatnapu’t anim na minuto (46’) ang pangalawang goal ng Switzerland mula sa gitna ng box, dahilan para umakyat ang iskor sa 2-0.
Hindi na nakaporma ang Algeria hanggang sa matapos ang laban, kahit pa sa stoppage time.
Dahil dito, opisyal nang nakapasok ang Switzerland sa Round of 16 kung saan mananatili sila sa Vancouver para harapin ang magwawagi sa pagitan ng Colombia at Ghana sa darating na Hulyo 7.
















