KALIBO, Aklan — Nakatulong sa pagtaas ng tourist arrivals ang ginanap na swimsuit competition ng Miss Universe Philippines 2026 sa Boracay, ayon sa Malay-Boracay Tourism Office.
Ayon kay Kathrine Licerio, administrative officer ng BMTO, dinagsa ng mga lokal at dayuhang turista ang isla upang masaksihan ang pagrampa ng mga kandidata sa world-class na dalampasigan ng Boracay.
Dahil dito, tumaas ang occupancy rate ng mga hotel at resort sa lugar sa kasagsagan ng event.
Aniya, malaki ang naitulong ng naturang kompetisyon sa promosyon ng Boracay bilang pangunahing destinasyon sa bansa. Bukod sa aktwal na pagdagsa ng bisita, nakakuha rin ito ng malawak na exposure sa social media at international audience.
Ipinakita ng 51 na kandidata ang kanilang stage presence at confidence sa swimsuit segment na ginanap sa Aqua Boracay. Ang makulay na presentasyon at scenic na lokasyon ay lalong nagpatibay sa imahe ng isla bilang perpektong lugar para sa mga world-class na event.
Dagdag pa nito na ang pagho-host ng ganitong malalaking aktibidad ay hindi lamang nagpapasigla sa turismo kundi nagbibigay rin ng dagdag na kita sa mga lokal na negosyo tulad ng hotel, restaurant, at transport services.
Bago ang swimsuit competition, nagsagawa ng coastal clean-up ang mga kandidata sa dalampasigan ng Boracay, araw ng Biyernes, Marso 20, bilang bahagi ng kanilang community service activities.
Namulot ang mga ito ng mga basura sa sikat na white long beach ng isla.
Bahagi ng taunang aktibidad ng pageant simula pa noong 2023 ang pagbisita sa Boracay, kung saan, isinasagawa rin ang outreach programs at ang inaabangang swimsuit competition.
Ang swimsuit competition ay isa sa mga highlight ng pre-pageant activities, na tumutulong sa pagpili ng mga semifinalist bago ang grand coronation na gaganapin sa Mayo 1, 2026 sa Mall of Asia Arena, kung saan, ipapasa ni Ahtisa Manalo ang korona sa susunod na tatanghaling reyna na magiging kinatawan ng bansa sa Miss Universe pageant sa Puerto Rico sa Nobyembre.
Sa kabilang daku, umabot sa kabuuang 97,597 ang tourist arrival sa Boracay sa unang dalawang linggo ng Marso. Sa nasabing bilang, 79,946 ang domestic tourist; 1,076 ang overseas Filipinos at 16,575 ang foreign tourist.















