Nilinaw ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na hindi pa nasilbihan ng suspension order ang grupo ni P/Supt. Marvin Marcos kaugnay sa kanilang kasong administratibo dahil sa pagkakapatay sa dating alkalde ng Albuera na si Rolando Espinosa.
Paliwanag ni PNP chief police director Gen. Ronald Dela Rosa na raso sa hindi pagsilbi ng kanilang suspension order ay dahil naghain ng motion for reconsideration (MR) ang grupo ni Marcos.
Sinabi ni Dela Rosa na batay sa pinirmahan nitong rekomendasyon, apat na buwang suspension ang ipinataw laban kay Marcos habang ang mga kasamahan nitong sangkot sa barilan sa loob ng kulungan ay kaniyang inirekomenda ng 1 rank demotion sa kanilang ranggo.
Giit pa ng PNP chief na sa sandaling hindi maaprubahan ang kanilang motion for reconsideration ay kanila talagang ipapatupad ang suspension order.
Pero dahil hindi pa napagdedesisyunan ang inihaing MR ng grupo ni Marcos, balik na muna ang mga ito sa kanilang back to duty status.
Samantala, nag-report na sa kaniyang trabaho bilang regional director ng Criminal Investigation and Detection Group sa Region 12 si Supt. Marvin Marcos.