NAGA CITY – Sasampahan na ng kasong murder ang suspek sa pananaksak sa bayan ng Lupi, Camarines Sur.
Kung maaalala, una ng kinilala ang suspek na si Ricardo Borras matapos pagsasaksakin ang biktima na kinilala naman na si Virgilio Barrameda, kapwa residente ng Brgy. Sooc, sa naturang bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSMSgt. Ermon Abogado, imbestigador ng naturang insidente, kinumpirma nito na ang hindi pagkakaintindihan ng supek at biktima dahil sa panabong na manok.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na itinabi lamang umano ni Barrameda ang motorsiklo nito para makadaan ang tricycle na minamaneho ng suspek ngunit agad na umano itong sinaksak ni Borras.
Ngunit taliwas ito sa naging pahayag ng suspek na nagbitiw pa ng salita ang biktima at bahagya pa nitong tinulak ang ulo na ikinagalit ng suspek.
Ito na aniya ang naging dahilan ng pananaksak ni Borras kay Barrameda kung saan nagtamo ng suat sa dibdib ang biktima na agad namang isinugod sa ospital ngunit idineklara na itong Dead on Arrival ng mga doktor.
Samantala, desidido naman ang pamilya ng biktima na magsampa ng kaso laban sa suspek.
Sa ngayon, hawak na ng mga otoridad ang suspek habang inihahanda na ang kasong isasampa laban dito.










