-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Umamin ang suspek sa pagpatay sa isang nursing student sa lungsod ng Santiago sa naging eksklusibong panayam ng bombo radyo cauayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Jeffrey Addam Barga tubong lalawigan ng Abra at pansamantalang nakatira sa Lunsod ng Santiago na labis ang kanyang kalasingan nang gawin ang pagpatay sa dalaga na kanya ring labis na pinagsisihan.

Hindi umano niya maipaliwanag kung bakit niya nagawang paslangin ang biktima gayunman ay itinanggi naman niyang binalak niyang halayin ang biktima.

Sinabi pa ni Barga na tinangay niya ang tricycle na sinakyan ng biktima matapos hindi ipahiram sa kanya ng mag-ari.

Humihingi siya ng kapatawaran sa pamilya at mga kaibigan ng biktima at nakahanda umano niyang panagutan ang krimen na kanyang ginawa.

Samantala, Umabot ng halos dalawang oras na minanmanan sa Barangay Nabbuan bago nadakip ang pinaghihinalan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan inihayag ni Ginang Joana Marie Matic na nasalubong nila ng kanyang asawa ang pinaghihinalaan na naglalakad sa Sitio Malini, Nabuan, Santiago City at namukhaan niya kaya iniulat nila sa mga otoridad.

Aniya, kahit hindi na nila matanggap ang pabuyang pera ay masaya na sila dahil nadakip ang suspek upang managot sa ginawang pagpatay sa biktima.

Samantala, inihayag naman ni Barangay Kagawad Maribeth Tomas na hinabol at binuntutan nila ang pinaghihinalaan upang hindi makatakas hanggang sa dumating ang mga pulis at nadakip ang suspek.

Napaikutan anya ng mga pulis at mga opisyal ng barangay ang lugar at nakitang nagtatago ang pinaghihinalaan sa madamong lugar.

Umabot sa dalawang oras ang habulan at paghahanap sa pinaghihinalaan bago naaresto ng mga otoridad.

Masaya anya siya dahil marami ang tumulong upang madakip ang suspek sa pagpatay sa nursing student.

Matapos madakip ang pinaghihinalaan ay dinala muna sa pagamutan para sa medical examination bago dinala sa Station 1 ng Santiago City Police Office at inihahanda na ang kasong Robbery with homicide laban sa suspek.

Magugunitang naglaan ng isang daang libong pisong pabuya ang punong lunsod ng Santiago sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ng suspek.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Myaor Sheena Tan Dy na bihira lamang na may karumal dumal na krimen na mangyari sa kanilang lugar kaya nakakalungkot na may nangyaring brutal na pagpatay sa kolehiyala.

Ngayong nahuli na ang pinaghihinalaan ay titiyakin nila na mabibigyan ng hustisya ang sinapit ng nursing student.