-- Advertisements --

Nadakip na ng mga awtoridad nitong gabi ng Linggo, Hunyo 15 oras sa Amerika, ang suspek sa pag-assassinate sa Minnesota lawmaker at tangkang pagpatay sa isa pang mambabatas.

Kasalukuyang nasa kustodiya na ng Minnesota police ang suspek na kinilalang si Vance Boelter.

Ayon sa law enforcement official, ang 57 anyos na suspek ay nagtrabaho sa isang security company bilang director ng security patrols at na-training ng mga tao o personnel mula sa US military.

Inakusahan si Boelter ng pagsasagawa ng targeted shootings na pumaslang kay Democratic lawmaker Melissa Hortman at kaniyang asawa at ikinasugat naman ni Minnesota State Senator John Hoffman at kaniyang maybahay sa hiwalay na pamamaril noong umaga ng Sabado.

Base sa mga awtoridad, bumuhos ang mga natatanggap nilang tips na umabot ng mahigit 400 na nagbigay daan sa pagkakaaresto sa suspek.

Nauna ng sinabi ni Minnesota Governor Tim Walz na lumalabas na isang “politically motivated” ang nangyaring pamamaril laban sa lawmakers ng estado.

Ayon kasi sa mga imbestigador, natagpuan ang hit list na may halos 70 pangalan mula sa getaway car na ginamit ng suspek, na karamihan ay democrats o mga personalidad na may kaugnayan sa abortion rights.