-- Advertisements --

Ipinagtanggol ni Senador Robin Padilla si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa gitna ng isyu ng posibleng pag-aresto kaugnay ng warrant mula sa International Criminal Court (ICC), at iginiit na dapat payagang magampanan nito ang kanyang tungkulin bilang mambabatas kahit sa pamamagitan ng online o remote attendance.

Sa isang post sa Facebook, sinabi ni Padilla na hangga’t walang final conviction, hindi dapat ituring na kriminal ang isang halal na opisyal at dapat itong bigyan ng pagkakataong makapagtrabaho para sa taumbayan.

“Ang isang tao ay itinuturing na walang sala hangga’t hindi napatutunayang nagkasala,” ani Padilla, na binigyang-diin ang prinsipyo ng presumption of innocence.

Giit pa niya, may mandato si Dela Rosa mula sa mga botante matapos itong makakuha ng mataas na bilang ng boto sa 2025 senatorial elections, kaya dapat umano itong payagang tumupad sa tungkulin, kabilang na sa pamamagitan ng online attendance.

“Gamitin ang technology para magampanan niya ito,” dagdag ni Padilla.

Si Dela Rosa ay nananatiling nasa ilalim ng banta ng pag-aresto matapos maiulat na target siya ng ICC warrant.

Magugunitang pansamantala siyang nagpakita sa Senado noong Mayo 11 bago muling nawala sa publiko.

Nauna rin siyang sumailalim sa protective custody ng Senado at kalaunan ay umalis sa gusali kasama si Padilla matapos ang shooting incident sa loob ng Senado.

Hati naman ang pananaw ng Majority at Minority bloc sa Senado hinggil sa panukalang magpapahintulot sa mga senador na dumalo at bumoto sa sesyon sa pamamagitan ng teleconferencing, kung saan napilitang mag-walkout ang minorya bilang pagtutol sa umano’y pagmamadali ng pag-amyenda ng rules.