Matagumpay na naaresto sa ikinasang follow-up operations ng San Jose del Monte City Police Station sa Bulacan ang suspek sa pagpatay sa limang taong gulang na bata.

Ayon kay P/LtC. Orlando Castil, hepe ng San Jose del Monte City Police, nakatanggap sila ng impormasyon na makikipagkita ang suspek na si Eman Lambuhon, 24-anyos, sa kaniyang kaibigan sa Barangay Sto. Cristo kaya agad ikinasa ang operasyon kaninang alas-12:20 ng madaling araw.

Nitong araw ng Linggo nang dinukot ng suspek ang biktima.

Ayon sa ulat, sabog sa iligal na droga ang suspek at pinagtangkaan pa nitong gahasain ang bata pero nabigo nang habulin na siya ng ina ng biktima.

Sa isang talahiban sa Barangay Kaypian, pinukpok ni Lambuhon ng bato sa ulo ang bata na nagresulta sa agarang kamatayan at saka iniwan sa masukal na bahagi ng lugar kung saan nakita ang labi kahapon.

Patung-patong na kaso ang kahaharapin ng suspek at nakatakdang isailalim sa inquest proceedings ngayong araw.

Kasalukuyan munang nakakulong si Lambuhon sa detention facility ng San Jose Del Monte Police Station.