-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Ipinag-utos ngayon ng Cagayan de Oro City Police Office ang malawakang pagtugis laban sa isang lalaki na suspek sa paggahasa ng isang babae na nagtatrabaho bilang call center agent habang sila ay nasa loob ng lodging house sa Cagayan de Oro City.

Ito ay matapos inakusahan ng hindi pinangalanan na biktima na habang nilasing daw sa iniinom na alak ay nag-take advantage naman ang katrabaho nito upang siya ay gahasain sa tinuluyang kuwarto sa Divisoria sa lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni city director Col. Henry Dampal, sinabi nito na tukoy naman ng kanilang mga operatiba ang pagkakakilanlan ng suspek kaya pinayuhan na lamang nila ito na boluntaryong sumuko.

Sinabi ni Dampal na bagamat iginiit ng biktima na umano’y nakuha ang pagkababae nito subalit hinihintay pa nila ang resulta ng medico legal para ma-attach sa kasong rape na isasampa laban sa tumakas na suspek.

Mula umano sa trabaho ang dalawa bilang call center agents at nagkasundo na magpalipas ng ilang oras dahil may curfew hours ang naka-modified enhanced community quarantine ang syudad noong nakaraang gabi.

Bagamat nagtataka rin ang ilang social media netizens kung bakit sumama ang biktima sa loob ng lodging house lalo pa’t hindi naman nito karelasyon ang nabanggit na suspek.