-- Advertisements --

Inaresto ang isang lalaki na sangkot umano sa serye ng hold-up scam laban sa mga motorcycle taxi riders sa Taguig at iba pang lugar.

Kinilala ang suspek na si Anthony Robert Santos, 26 anyos, tricycle driver at residente ng Magnolia Street, Barangay Roxas District, Quezon City.

Naaresto siya noong Oktubre 18 sa Barangay Sta. Ana, Taguig matapos ireklamo ng isang residenteng nakakitang nagsisigaw at may dalang baril ang suspek.

Nasamsam mula sa kanya ang isang .22-caliber na revolver na walang serial number at may lamang apat na bala.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Article 155 ng Revised Penal Code (Alarms and Scandals) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act). ang suspek.

Batay sa imbestigasyon, tumugma ang itsura at kilos ni Santos sa mga reklamo sa social media ng mga motorcycle taxi riders, na sinasabing ginagamit ang isang babaeng account upang mag-book ng biyahe, ngunit isang lalaking pasahero ang sumasalubong at nambibiktima ng hold-up.

Sa kasalukuyan nakakulong na si Santos sa Taguig police station at inaasahang haharap sa karagdagang mga kaso.