-- Advertisements --

Pumanaw na si dating Executive Secretary, congressman at Armed Forces of the Philippines (AFP) Vice Chief of Staff Ret. Gen. Eduardo Ermita sa edad na 90 anyos.

Inanunsiyo ng pamilya Ermita sa pamamagitan ni Balayan Mayor Lisa Ermita Abad ang pagpanaw ng kaniyang ama, na inilarawan niya bilang isang dedicated public servant.

Base sa ibinahaging post ng alkalde, mapayapang pumanaw ang kaniyang ama bandang alas-8:00 ng umaga ngayong Sabado, Oktubre 18, nang napapalibutan nang kaniyang mga mahal sa buhay.

Ayon sa alkalde, namuhay ang kanilang ama nang maay tapat na pagseserbisyo sa mamamayang Pilipino at bilang isang sundalo, nagsilbi siya nang may dangal at dedikasyon sa mga panahong naharap ang bansa sa pinakamatitinding hamon.

“It is with profound sadness and heavy hearts that we, the Ermita family, announce the passing of our beloved father, General Eduardo Ramos Ermita (Retired), a dedicated public servant and our guiding light. He passed away peacefully today, October 18, 2025, at 8:00am, surrounded by his loving family. Our father lived a full life in steadfast service to the Filipino people. As a soldier, he served with honor and dedication during some of the nation’s most challenging times,” saad ni Mayor Lisa Ermita-Abad sa kaniyang facebook post.

Nakatakda namang ianunsiyo ng pamilya ang mga detalye kaugnay sa interment at funeral arrangements ng labi ng yumaong heneral.

Nagpaabot naman ng taus-pusong pasasalamat ang pamilya sa mga dasal at umaapaw na pagmamahal at suporta.

Si Ermita ay unang nagsilbi sa militar bilang Deputy Chief of Staff ng AFP mula 1986 hanggang 1988, naitalaga siya kalaunan bilang ika-35 Executive Secretary ng Pilipinas sa ilalim noon ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo mula 2004 hanggang 2010 at naging kongresista ng Batangas 1st District mula 1992 hanggang 2021.