LAOAG CITY – Kinumpirma ni Police Major Paul Benedict Parado, ang chief of police sa bayan ng San Nicolas, na natukoy na nila ang suspek sa pagkamatay ng assistant manager ng isang malaking grocery store sa Ilocos Norte at nakatakdang sampahan ng kasong murder.
Sa isinagawang press conference, sinabi ni Parado na ang suspek na kinilala lamang sa alyas Tisoy ay nagtatrabaho rin bilang maintenance sa parehong kompanya pero ito ay palipat-lipat ng destino.
Aniya, base sa dokumento ni Tisoy ay marami itong residensya kasama ang Iloilo, Caloocan, Bataan at Cagayan.
Dagdag niya na base sa monitoring nila ay nagtungo na sa Cagayan ang suspek matapos ang pagpatay sa biktimang si ni Juvilyn Bardiaga.
Ayon pa sa hepe, ang nakikita nilang motibo sa krimen ay problema sa trabaho at halatang malaki ang galit ng suspek sa biktima dahil sa paraan ng pagpatay nito kay Bardiaga.
Una nang narekober ang bangkay ng biktima sa loob mismo ng kanyang apartment na walang saplot at lumalabas na namatay ito dahil sa pagsakal sa kanya ng suspek gamit ang cord ng rice cooker.