CENTRAL MINDANAO – Alitan umano sa pamilya o rido ang motibo na natatanaw ng mga otoridad sa pagsalakay ng mga armadong kalalakihan sa barangay hall sa probinsya ng Cotabato.

Una nang nakilala ang mga nasawi na sina Barumbong “Bong” Matalam Pacana, brgy chairman ng Brgy Kayaga, Kabacan, North Cotabato at Tatuan Kalantungan habang dalawa pa nitong kasamahan ang nasugatan.

Ayon kay Kabacan chief of police, Major Realan Mamon, nag-uusap ang mga biktima sa loob ng barangay hall at kagagaling lamang sa kanilang pagroronda nang biglang paputukan ng mga armadong kalalakihan gamit ang M16 armalite rifles.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek nang matunugan nito na nagresponde ang mga sundalo at pulis.

Sa pagamutan na binawian ng buhay sina Pacana at Kalantungan habang nagpapagaling sa isang ospital sa Kidapawan City ang dalawang sugatan.

Mismong ang pamilya ng mga biktima ang nagkumpirma na tukoy na nila ang mga suspek na patuloy ngayong iniimbestigahan ng pulisya.