TUGUEGARAO CITY – Tinutugis na ng PNP ang isa sa dalawang suspek na bumaril sa mag-live-in na kapwa guro sa Ballesteros, Cagayan kagabi

Patay sa nangyaring pamamaril si Mark Alvin Sison habang sugatan naman ang live-in partner nito ay si Olivia Turingan.

Ayon kay PSMSgt. Jacob Manalan, pinagbabaril ang dalawang guro ng magpinsan na suspek na sina Arnold Ubarre at Lonfelo Duyan.

Naghahanda raw ang mga biktima ng invitation cards para sa kanilang kasal sa April 8, 2019 nang buksan umano ng mga suspek ang kanilang bintana at sila ay pinagbabaril

Bago aniya ang insidente, nagkaroon daw ng pagtatalo ang mga suspek at ang ama ni Turingan.

Naawat ang mga ito pero bumalik ang mga suspek kagabi para patayin ang mag-live-in partner.

Nagtamo ng tama ng baril sa braso si Sison na tumagos sa kanyang katawan na dahilan ng kanyang pagkamatay.

Tinamaan naman sa kanang kamay si Turingan, na sa ngayon ay nasa maayos nang kalagayan.

Naaresto si Lonfelo habang nakatakas si Arnold, na isa umanong security guard sa Manila at bumibisita lamang sa nasabing lugar

Sinabi ni Manalan na itinanggi ni Lonfelo na sila ang bumaril sa mga biktima.

Gayunman, sa ngayon, inihahanda na ng pulisya ang kasong isasampa laban sa dalawang suspek matapos na matanggap ang reklamo mula sa mga kaanak ng mga biktima.