Tiniyak ni Speaker Martin Romualdez na magtutuloy-tuloy ang pagsasagawa ng surpresang inspeksyon sa mga warehouse ng bigas upang mahanap ang iniipit na suplay ng bigas na siyang dahilan na nagpapataas sa presyo.
Sinabi ni Speaker Romualdez na makakatuwang ng Kamara ang Bureau of Customs (BOC) sa pamumuno ni Commissioner Bienvenido “Bien” Y. Rubio sa pag-iikot at pagsasagawa ng inspeksyon sa mga warehouse.
“We need to carry out more of these inspections and I trust the commissioner to do so in order to keep rice traders obedient to the law,” wika ni Speaker Romualdez.
Kung maalala na nuong August 24, magkatuwang na suyurin ng ilang kongresista at opisyal ng BOC ang mga malalaking warehouse sa Bulacan kung saan nakaimbak ang mahigit 200,000 sako ng bigas.
Sa pamamagitan ng letter of authority (LOA) ay isinara ng mga tauhan ng BOC ang warehouse ng Great Harvest Rice Mill, San Pedro at FS Rice Mill at pinagsumite ng mga kaukulang dokumento upang patunayan na hindi smuggled ang mga ito at nabayaran ang kaukulang buwis.
Binigyang diin ni Romualdez sa isinagawang inspeksyon na dapat agad ilabas sa merkado ang natuklasang suplay ng bigas upang magkaroon ng sapat na suplay sa merkado at hindi tumaas ang presyo.
Batay sa ulat nitong nakalipas na linggo ay nagkaroon ng pagtaas sa bentahan ng bigas sa Metro Manila na naglalaro ng P50 hanggang P62 kada kilo.
Kapag hindi ito matutugunan ay posisbleng sisipa pa ang presyo ng bigas sa P60 hanggang P65 bawat kilo sa mga palengke.
Pagtitiyak ng House leader na hindi hahayaan ng Kamara na matulad ang bigas sa nangyari sa sibuyas noong nakaraang taon kung saan sumipa ng hanggang P700 kada kilo ang presyo.