Inihayag ni Surigao del Norte 2nd district Rep. Robert Ace Barbers na isang akmang lokasyon para maging bagong EDCA sites ang kanilang probinsiya.
Kaugnay nito, hinimok ng mambabatas kasama si Surigao del Norte Gov. Lyndon Barbers ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at United States military para mag-inspeksiyon sa probinsiya para sa posibilidad na ikonsidera ang lalawigan bilang karagdagang EDCA sites.
Paliwanag ni Rep. Barbers na matatagpuan ang kanilang probinsiya sa pinakahilagang bahagi ng Mindanao na nakaharap sa Pacific Ocean. Ang malalim na karagatan nito ay kayang mag-accommodate ng malalaking naval ships ng Estados Unidos. Mayroon din aniya itong kakaibang estratihikong bentahe dahil nakaharap ito sa Pacific Ocean ngunit may labasan patungo sa West PH Sea.
Ayon naman kay Gov. Barbers, ang paglalagay ng EDCA ay hindi lamang magbebenipisyo sa kanilang probinsiya kundi maging sa buong eastern regions ng Visayas at Mindanao.
Dahil ayon sa Gobernador, mas mapapabilis at lalawig pa ang paghahatid ng tulong sa panahon ng kalamidad.
Mapapawi din aniya ang pangamba ng mga mangingisda na maitaboy ng mga dayuhang barko sa loob ng ating teritoryo.