Hayagang ininsulto ng ilang supporters ni Speaker Alan Peter Cayetano si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco sa harap mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa isang kongresista.
Sinabi ito ni Oriental Mindoro Rep. Doy Leachon, supporter ni Velasco, sa isang panayam nang tanungin kung totoong ininsulto ng kampo ni Cayetano si Velasco sa pulong kagabi sa Malacañang kasama si Pangulong Duterte.
Ayon kay Leachon, sinasabi raw ng supporters ni Cayetano na pinagtaksilan ni Velasco ang term-sharing agreement nang tinangka umano nitong patalsikin ang incumbent Speaker.
Pero sinabi ni leachon na naiintindihan niya ang kanyang mga kasamahan gayong inilalaban lamang din aniya ng mga ito ang kanilang posisyon na hawak sa ngayon.
Mababatid na noong Pebrero ay sinabi ni Cayetano na nangangako na raw si Velasco ng committee chairmanship at budget allocations sa mga kapwa nila kongresista.
Pero mariing pinabulaanan naman ito ni Velasco, at iginiit na susunod siya sa kung ano ang napagkasunduan sa term-sharing deal.