Tiniyak ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na may sapat na suplay ng tubig ang Metro Manila, sa gitna ng pambansang “krisis sa tubig” na naunang idineklara ni Pres. Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ni Metropolitan Waterworks and Sewerage System Engineering and Technical Operations Group Deputy Administrator Jojo Dorado Jr., na ang Angat Dam, ang pangunahing pinagkukunan ng tubig ng Metro Manila, ay mayroon pa ring sapat na elevation.
Ang Angat Dam ay may water level na 198.52 meters na kung saan, bahagyang mas mababa sa normal na water level ng dam na 212 meters.
Ngunit sinabi ni Dorado na malayo pa ito sa critical level ng dam na 180 meters.
Binanggit din niya na batay sa mga projection ng reservoir,
ang Angat Dam ay makakapagbigay pa rin ng sapat na tubig sa buong Metro Manila hanggang sa katapusan ng taon.
Ang deklarasyon aniya ni Pang. Marcos ay batay sa pahayag ni National Water Resources Board (NWRB) executive director Sevillo David Jr., na nagsabing 11 milyong pamilya sa Pilipinas ang walang access sa malinis na tubig.