Hindi lubhang makakaapekto sa supply ng tubig sa Metro Manila ang pagbawas sa alokasyon dito mula Angat Dam, ayon kay National Water Resources Board (NWRB) executive director Sevillo David Jr.
Ito ay dahil may mga panakanakang pag-ulan na nararanasan sa Metro Manila kaya may nakukuhang extra na supply ng tubig mula sa mga maliliit na reservior ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).
Kamakailan lang ay binawasan ng NWRB ang alokasyon ng tubig para sa MWSS galing Angat Dam sa 46 cubic meters per second (cms) mula sa dating 48 cms.
Resulta ito nang pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam sa 178.01 meters noong Setyembre 11 ng umaga, mas mababa kung ikumpara sa 180 meters minimum operating level.
Sinabi ni David na binawasan nila ang alokasyon ng tubig sa MWSS upang sa gayon ay ma-manage ng husto ang supply at mapagal na rin ang pagbaba ng tubig bago ang mga inaasahang pag-ulan.