-- Advertisements --


Tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) na mayroong sapat na supply ng pagkain at essential goods sa mga pamilihan sa kabila nang desisyon ng pamahalaan palawigin pa ng hanggang Mayo 15 ang enhanced community quarantine sa ilang piling lugar sa bansa.

Sa pagpupulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging and Infectious Disease (IATF-EID) kasama si Pangulong Rodrigo Duterte kahapon, binigyan diin ni DTI Sec. Ramon Lopez na sapat sa loob ng 45 ang supply ng pagkain at essential goods.

“Finished goods inventory of food products is at more than 2 weeks.  Raw materials inventory is at 45 days. We have a lot of food,” ani Lopez.

Pinagpatuloy pa rin kasi aniya ng DTI ang food production kaya kahit naka-enhanced quarantine ay hindi magkukulang ang supply ng pagkain kaya wala aniyang dapat na ikabahala ang publiko ukol dito.

Samantala, inanunsyo rin nito na mayroong ilang manufacturing companies ang pumayag na mag-repurpose para gumawa ng mga face masks, ventilators at personal protective equipments para sa mga health workers at frontliners sa gitna pa rin ng COVID-19 pandemic.

Nauna nang itinakda ng pamahalaan ang pagtatapos ng enhanced community quarantine sa buong Luzon noong Abril 13, pero pinalawig ito ng pamahalaan ng hanggang Abril 30.

Pero nitong umaga lamang, kinumpirma ni Presidential Spokesperson Harry Roque na aprubado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng IATF-EID na palawigin pang muli ng hanggang Mayo 15 ang enhanced community quarantine pero sa ilang piling lugar na lamang habang ang ilang lugar naman ay isasailalim sa general community quarantine.