Lumagda na ang Department of Transportation (DOTr) ng kontrata sa joint venture ng Japan Transport Engineering Company at Sumitomo Corporation para sa supply ng mga gamit sa konstruksyon ng Philippine National Railways (PNR) project mula Maynila hanggang Bulacan.
Aabot sa P12.1-bilyon ang halaga ng nilagdaang kasunduan ng mga opisyal para sa supply at konstruksyon ng PNR Tutuban-Malolos project.
Ayon kay DOTr Sec. Arthur Tugade, target nilang masimulan ang delivery ng mga bagon ng tren sa ikatlong quarter ng 2021.
Sa ilalim ng kasunduan, kabuuang 104 bagon o katumbas ng 13 train set ang isu-supply ng Japanese firms sa DOTr.
Nasa 10 istasyon naman ang babagtasin ng naturang proyekto mula Tutuban sa Maynila hanggang sa Malolos, Bulacan.
Ang naturang proyekto ay bahagi ng Metro Manila-Clark railway system na target ng pamahalaan bilang alternatibong transportasyon ng publiko mula Maynila hanggang New Clark City.
Sa pagtatapos ng 2021 plano ng DOTr na gawing operational ang linya ng tren mula Valenzuela patungong Malolos.