CENTRAL MINDANAO- Inaprubahan na ng Sangguniang Bayan ng Midsayap (SB-Midsayap Cotabato) ang karagdagang pondo na maaaring gamitin ng nabanggit na bayan para sa taong kasalukuyan.
Sa isinagawang 47th Regular Session na pinangunahan ni Vice-Mayor Manuel Rabara nakapaloob sa Ordinance No. 443 ang paglalaan ng P23,503,053 na gagamitin para sa Supplemental Budget No. 2 ng Midsayap ngayong taon.
Ito ay magmumula sa General Fund Proper ng bayan na nagkakahalaga ng P23,550,000.
Bahagi ng naturang ordinansa ang paglalaan ng pondo para sa COVID-19 Hazard Pay ng mga government employees and workers na nagtrabaho sa panahon na umiiral ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa bayan.
Base sa Budget Circular 2020-1 ng Department of Budget and Management, kabilang sa makakatanggap nito ay ang mga regular, contractual o casual positions, Contract of Service (COS) workers, Job Order (JO) workers.
Maliban rito, kasama din sa paglalaanan ng naturang pondo ang repair and maintenance para sa government owned public places tulad ng plaza, kalsada at tulay; at ibat ibang informational campaign ng lokal na pamahalaan.