Ikinatuwa ni Senador Raffy Tulfo sa pinakitang suporta ng mga kasamahan niya sa Senado para sa panukalang batas na Magna Carta of Filipino Seafarers, na hindi pumasa sa mga nakaraang Kongreso.
Sinabi ni Tulfo, Chairperson ng Senate Committee on Migrant Workers, na masaya siyang makatanggap ng suporta mula sa Majority at Minority Bloc.
Ang mga nagpahayag ng suporta sa kanya at nagdeliver ng co-sponsorship speech ay sina Senate President Migz Zubiri, at Senators Bato dela Rosa, Sonny Angara, Risa Hontiveros, Bong Go, Bong Revilla, Imee Marcos at Win Gatchalian.
Suportado din siya nina Senate President Pro Tempore Loren Legarda, Senate Majority Floor Leader Joel Villanueva at Senator Francis Tolentino.
Sa kanyang Sponsorship Speech, sinabi ni Tulfo na ang Magna Carta ay mahalaga upang ipaalam sa mga marino ang kanilang mga karapatan at tungkulin, itaguyod ang kanilang patuloy na pagtatrabaho sa mga dayuhang sasakyang-dagat at bigyan ng kapangyarihan ang mga ahensya ng gobyerno na tulungan sila.
Sa 18th Congress, ang Magna Carta of Filipino Seafarers ay naiwang nakabinbin para sa Second Reading sa Senado habang ang counterpart measure ng panukalang batas na ito ay umabot na sa ikatlong pagbasa sa House of Representatives.
Hinain ni Tulfo ang Senate Bill (SB) No. 216 o Magna Carta of Filipino Seafarers bilang bahagi ng kanyang 10 priority bills ngayong 19th Congress. Bukod kay Tulfo, 13 pang senador ang naghain ng mga bersyon ng Magna Carta of Filipino Seafarers nitong 19th Congress.