VIGAN CITY – Binigyang-diin ng isang sports official na ang suporta mula sa publiko at sa pamahalaan sa kahit anong aspeto ay ang pangunahing susi sa naging tagumpay ng mga atletang Pilipino na nakilahok sa 30th South East Asian (SEA) Games.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, nagpapasalamat si Association of Boxing Alliances of the Philippines (ABAP) Secretary–General Ed Picson sa lahat ng sumuporta sa mga Pinoy boxers at sa iba pang atleta ng bansa sa mga nilahukan nilang event.

Aniya, malaking bagay ang ibinigay na suporta ng mga Pilipino sa mga Pinoy athletes upang magpursige at itumba ang lahat ng kanilang mga kalaban para sa overall championship title sa nasabing regional biennial meet.

Maliban pa rito, nagpapasalamat din si Picson sa pamunuan ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee at Philippine Sports Commission dahil sa isang matagumpay na SEA Games hosting ng bansa at sa mga equipment at world-class venue na ginamit sa iba’t ibang mga laro.