Tiniyak ng opisyal ng Department of Agriculture (DA) na ang bansa ay may sapat na suplay ng karne ng baboy at manok para sa paparating na pagtaas ng demand dahil sa kapaskuhan.
Pinawi rin ni Agriculture Undersecretary Domingo Panganiban ang pangamba sa kakulangan ng suplay ng bigas matapos ang pananalasa ng Bagyong Karding sa mga taniman sa Luzon.
Ayon kay Panganiban, sa kanilang pagtataya ay hindi magkakaroon ng kakulangan sa karneng baboy ngayong holiday season.
Aniya, sa pagtatapos ng huling quarter ng 2022, magiging maayos na ang supply ng baboy sa loob ng 61 araw.
Para sa karne ng manok, sinabi ng opisyal ng DA na may inaasahang surplus sa ikatlo at ikaapat na quarter ng taon.
Sa partikular, sinabi ni Panganiban na para sa ikatlong quarter ay magkakaroon ng 180,888 metric tons at 181,043 metric tons (MT) ng surplus na karne ng manok sa third at fourth quarter.
Batay sa Philippine Food Supply, Demand, and Sufficiency Outlook ng DA para sa 2022, ang kabuuang supply ng broiler para sa taon ay 1.82 milyong MT laban sa inaasahang demand na humigit-kumulang 1.64 milyong MT para sa taon.
Sa kabilang banda, sinabi rin ng opisyal ng DA na walang kakapusan sa suplay ng bigas sa darating na taon.
Sinabi ni Panganiban na ang bansa ay nagpapanatili ng 60-araw na buffer stock upang matiyak na magiging stable ang supply at mga presyo sa susunod na taon.