Mariing pinabulaanan ni Romeo Librada o mas kilala sa kanyang stage name bilang si Super Tekla ang mga ibinatong akusasyon ng kanyang kinakasama.

Pahayag ito ng 38-year-old comedian, isang araw matapos pagpiyestahan sa internet ang video conversation nila ng ka-live in na nagngangalang Michelle Lhor Bana-ag habang nag-aaway kung saan nabanggit ang salitang masturbate.

Ayon kay Tekla, hindi nito inakala na magagawa ni Michelle na isapubliko ang sensitibong usapin na dapat ay sa kanilang pamilya lamang.

“Binabato mo ako ng isyu na pinipilit kita sa ganyang bagay — usapin natin Michelle ’yan, usapin ng pamilya ’yan. Isang napakasensitibong usapin ’yan Michelle,” ani Tekla sa kinabibilangang Kapuso Network.

Giit nito na hindi niya magagawa ang mga paratang ng ka-live in lalo’t
mayroon siyang anak, kapatid at mga kamag-anak na babae.

Tila naisumbat pa ni Tekla ang hindi raw naging maingat na pagbubuntis ni Michelle sa kanilang anak kaya dumanas ng anorectal malformation o walang butas ang puwet, pero siya lamang ang gumawa ng paraan upang maoperahan.

Una rito, inihayag ni Michelle na hindi nakakapagpigil ang komedyante sa tuwing nais makipagtalik kahit pa siya ay may sakit o kahit kapag karga nito ang kanilang baby.

At tuwing tatanggi raw, hindi ito magbibigay ng pera hanggang sa umabot sa puntong iiwan sila sa bahay na walang pagkain.

“kasi hindi po niya mapigilan yung sarili niya. Gusto siya mo akong galawin. Para po safety, pina-injectionan niya po ako,” bahagi ng pahayag ni Bana-ag sa programa ni Raffy Tulfo.